Hindi ako palanood ng pelikulang Pilipino. Kahit sabihin pa nila na wala akong sintimyento ng pagiging nasyonalistiko, ayaw ko talagang manood. At kung may gusto akong panooring pelikulang Pilipino, sa sinehan ko ito pinapanood at hindi sa mga piniratang VCD. At pinapanood ko ito dahil kaiba ito sa mga tipikal na pelikula.
Ang pelikulang Pilipino, sa panahon ngayon, ay maraming hinaharap na problema. Naghihikahos na at malapit ng mamatay. Ang salarin sa kalagayan ngayon ay ang mga namimirata, ang polisiya ng sinehan, at ang kakulangan sa bagong sangkap at ideya. Sa panahon ngayon na naghihirap ang ekonomiya, ang mga manonood ay nagiging mautak na. Mapili na sila kung ano ang nararapat sa kanilang pinagpagurang pera. Sino nga ba ang mag-aaksaya ng oras at salapi sa mga pelikulang “bold” na puro yugyugan at bayuhan na wala namang kahalagahan sa lipunan; o sa aksyon na kayang patayin ng bida ang isang buong hukbo; o sa komedi na madudulas ang komedyante sa balat ng saging; o sa drama na mamamatay na’y nakaya pang mag-dialogue; at sa horror na may kakapit na kamay sa balikat na akala’y aswang yun pala’y kapatid. Sa unang dalawang salarin, maaari pa itong isisi sa gobyerno, ngunit ang huli?
Ang Pa-Siyam ay ang serye ng pagdarasal na isinasagawa para sa mahal na yumao. Siyam na gabi ito isinasagawa na nagsisimula sa unang gabi ng pagkamatay. Ang pelikula ay nag-uumpisa sa pagdating ni Nilo (Roderick Paulate) mula sa Saudi para sa burol ng kanyang ina. Ang lahat ng kanyang mga kapatid, maliban kay Ruth (Aubrey Miles), na lumisan rin sa kinalakhang tahanan, ay nauna ng dumating. Sa ikaapat na araw ng lamay ay nagdesisyon sila na ilibing na ang kanilang ina. Sila ay lalagi hanggang matapos ang pa-siyam. Iniyawan ng mambabasa ng padasal dahil may nararamdaman siyang kakaiba sa bahay. Ang mga magkakapatid na lang ang nanguna sa pagdarasal. Ngunit sa tuwing isinasagawa ang padasal ay may kung anong kumakalampag sa bahay. At sa tuwing gigising sila sa umaga ay may kababalaghan at palaisipan ang nangyayari. Umalis ang kanilang katiwala sa takot—takot dahil nagpapramdam ang namatay at takot na baka sila mabuko sa kanilang mga ginawa. Sa pagdating ng ika-siyam na araw, unti-unting nalantad ang mga sikreto ng bawat magkakapatid. Sa ika-siyam na araw, nagpakita ang kanilang ina at natapos ang pelikula sa pagpapatiwakal ni Ruth.
Kung ating susuriing mabuti at kung gagamitin ang pamantayan ng pelikulang horror, ang Pa-Siyam ay malayo sa pagiging isang halimbawa nito. Wala man lang nakakatakot na eksena liban na lamang sa yumaong nagpakita. Mas nakakatakot pa ang hiyaw ng mga manonood at ang mataas na tining ng sound effects.
Ang pelikula ay kaiba sa mga pelikulang horror. Hindi ito gumamit ng zombie tulad ng sa House of the Living Dead. Hindi rin ito gumamit ng mga nakakagulat at tumatagal na impresyon tulad ng The Ring. Sa produksyon at paggawa nito, tila hindi masyadong ginastusan. Medyo kulang sa preparasyon. Kulang sa mga mahahalagang sangkap na kinakailangan para tangkalikin ng masa. Ngunit ito’y tama lang. Ang bumubuhay ngayon sa pelikulang Pilipino ay ang nasa working class at hindi na ang masa. Sa pagod sa trabaho, ito ang napipili ng working class bilang murang pampalipas oras at libangan. Ang masa naman ngayon ang pangunahing tagasuporta ng mga pirata. Samakatuwid, ang pelikulng ito ay ginawa hindi para sa masa kaya hindi na kinakailangan ng mga sangkap para tangkilikin. Hindi hinahagad ng produser ang kumita. Ang hangad ng produser at pati ng director (Erik Matti) ay ang maglabas ng kakaibang panlasa sa pelikulang Pilipino. Ang nais nila ay buhayin ang industriya sa pamamagitan ng malikhain at bagong konsepto. Sawa na ang manonood sa paulit-ulit na istorya.
Ito ang nais iparating ng pelikulang Pa-Siyam—isang radikal na pagbabago sa kahulugan ng pelikulang Pilipino. Sa titulo pa lang, mababakas na ang genre nito ay horror. Pero mali ang akala ng lahat. Ito ay isang pamapamilyang drama. Ang mga sangkap ng horror ay tila ikinabit na lamang. Gayunpaman, inihahanay pa rin ito bilang isang horror.
Halos kahat ng ginagawang pelikula ay may alegorya. Ang Pa-Siyam ay hindi eksepsyon. Ang bawat karakter ay may iba’t-ibang kinakatawan. Sa maraming pamamaraan ang representasyon. Sa relihiyosong pananaw, ang ina ay ang Diyos at ang kanyang mga anak ay ang mga tao. Ang mga katiwala ang panandaliang kasagutan sa mga problemang kinakaharap ng tao. Ang ika-siyam na araw ay ang Araw ng Paghuhukom. Sa araw na ito, tanging ang nakasama Niya at sumunod ang maililigtas. Sa kaso ng pelikula si Ruth, na tanging hindi umiwan sa kanyang ina. Ang ibang mga anak na lumisan at lumihis ng daan ay hindi maliligtas.
Sa pananaw bilang isang nasyonalista, ang ina ang kumakatawan sa Inang Bayan. Ang mga katiwala ay ang mga dayuhang kapitalista. Si Nilo ang mamamayan na gusting mangibang-bayan. Si Ruth ang walang kapangyarihang maliit na tao. Si Denise (Cherie Pie Picache) naman ang ordinaryong mamamayan. Si Angel (Yul Servo) at Sylvia (Maricar De Mesa) naman ang mga problema ng lipunan. Ang mga “anak” ay walang pakialam sa ginagawang pagkamkam ng mga dayuhang kapitalista sa ating Inang Bayan. Si Denise, ang ordinaryong mamamayan, ay sunod na lamang sa agos at takbo ng panahon. Ang inang nagmumulto ay ang multo na kinakaharap ngayong problema ng bansa. Ang kahirapang nadadama ay ang multong nagpapaalala kung ano ang ginawang kapabayaan sa bansa.
Sa pananaw naman bilang isang mapagmahal sa kalikasan, ang ina ay tumatayo bilang ang kalikasan. Ang mga anak ay ang mamamayan na pumapabaya sa kalikasan. Ang mga katiwala ay ang gumagawa at nang-aabuso sa kalikasan. Ang multo ay tumatayo bilang mga trahedya na dulot ng kalikasan dahil na rin sa ginawang pagwawalang-bahala.
Sa pelikula ang nagmumultong ina ay hindi naman talaga multo bagkus nagmumultong kahapon. Kay Nilo, pinagmumultuhan siya ng kanyang kapabayaan sa ina. Kay Denise, pinagmumultuhan siya ng kanyang pagiging batang ina. Kay Angel, ang multo ay ang pagiging alipin sa alak at sigarilyo. Kay Sylvia, tumatakot sa kanya ang pagpapalaglag sa kanyang magiging anak. Ang lahat ng ito ay nag-ambag sa pagkamatay ng kanilang ina. Tanging si Ruth lamang ang hindi minumulto dahil hindi niya iniwan ang ina hanggang sa huling sandali.
Ang Pa-Siyam ay naisagawa dahil na rin sa isang malakas na daluyong ng pelikulang horror hindi lang Pilipinas pati na rin sa buong Asya. Tumamlay ang ibang genre ng pelikula at tanging horror lamang ang tinangkilik. Ang biglang pagsikat ng horror na pelikulang Hapon at Koreano sa ibang panig ng mundo ay isang mahalagang salik. Iniba nito ang pagkakakahon sa salitang horror noo’y kasing-kahulugan ng zombie, Dracula, at putol na kamay. Sa mga Asyanong pelikula, kakaunti o wala ang mga zombie. Ang istorya mismo at banghay ay sapat bilang nakakatakot kaya hindi na kinakailangan ng mga prop. Sa pagpasok ng ganitong konsepto ay nakalikha ng bagong panlasa. Ang Feng Shui ay may sangkap ng Hapon at Koreanong pelikula dahi llikas sa mga Pilipino ang gaya-gaya. Dito kaya tinangkilik at nauso.
Ang mga Pilipino ay likas na maramdamin. Naihahalintulad nila ang kasalukuyang sitwasyon sa mga nagsisipagganap sa pelikula. Patok ang horror sa manonood dahil parang tuany itong nagaganap sa kanilang buhay (hindi literal). Ang mamamayan ay minumulto ng kahirapan, dinadalaw ng kapighatian, at tinatakot ng kurapsyon. Ang horror ay tinangkilik dahil nararanasan na mismo ng mamamayan ang tunay na horror ng buhay—ang kahirapan.
Sa pelikula, iba’t-ibang representasyon ng kababaihan ang namumutawi. Lumalabas dito ang pagkakakahon sa uri ng babae—ang ina, ang birhen, at ang puta. Ang ina ay kumakatawan sa inang nagmumulto at pati na rin kay Denise. Masisilayan dito ang kanyang pagiging ina na mapagkunsinte sa anak na si Janet (Cristine Reyes) at pati na sa kapatid na si Angel. Ang matimtimang birhen ay kinakatawan ni Ruth. Dahil sa may kapansanan sa pag-iisip, lumalabas ang kanyang pagka-inosente sa mga bagay-bagay, isang halimbawa ng isang birhen. Ang representasyon ng puta ay sa katauhan ni Sylvia. Ang pagpapalaglag sa kanyang anak ay isa lamang sa katangian ng puta—hindi marunong lumaban sa pagsubok na siya naman minsan ang may gawa.
Sa kabuuuan, ang Pa-Siyam ay natatanging pelikula. Hindi ito halaw sa mga Hapon at Koreanong pelikula. Ito ay natatangi dahil ito ay isang tunay na gawang Pilipino. Ang banghay na umiikot sa pamilya—kung saan umiikot ang buhay Pilipino—ang tipikal na katangian natin. Ang pelikulang ito ay isang tagumpay hindi lamang sa industriya kundi sa lahat. Kung ganito ba ang ginagawa ng mga produser sa paggawa ng pelikula, kahit na may pamimirata pa at ibang polisiya sa sinehan at buwis, hindi maghihingalo ang industriya ng pelikulang Pilipino. Sana matuto na ang ibang produser. Sana nga ganun dahil kung malaking kita lamang ang kanilang iisipin ay di malayong sa darating na panahon ay tayo na mismo ang gumagawa ng pa-siyam—pa-siyam bilang pagluluksa sa pagkamatay ng industiya ng pelikulang Pilipino.
***